Ikaw, Kilala Mo Na Ba Ang Iyong ‘Ako’?

Dati sabi ko, gusto kong maging sikat. Pero hindi, hindi pala ito ang gusto ko. Tapos sabi ko, gusto kong mag ka girlfriend…o boyfriend. Pero hindi, hindi pala ito ang gusto ko. At eto na naman, sabi ko na gusto kong maging writer, singer, artist, piyanista. Pero hindi ito ang gusto ko.

Simple lang naman ang gusto ko sa buhay. Gusto ko lang makilala ang sarili ko. Gusto ko lang maramdaman ang galaw ng aking mundo, kung saan ito umiikot, kung kanino, kung para kanino. Gusto ko lang mahanap ang…tunay na ako. Ako, na…masaya, na kuntento sa kung anong meron ako, o kung ano ako. Gusto ko lang maging ako. (At sana nga’y simple lang ang gusto ko.)

Ilang taon na rin akong nabubuhay sa mundo, ilang taon na ring may kamalayan at sariling pag-iisip. Oo, ilang taon na. Pero hindi ko pa rin kilala ang sarili ko. Eh…sino nga ba talaga ako? Lagi na lang akong nagtatanong. Kung saan-saan na ako naghanap, kung kani-kanino. Pero bigo. Ilang beses ko nang sinubukang hanapin ang aking sarili, maraming beses. Pero bigo, bigo, bigo.

Akala ko minsan nahanap ko na siya, pero hindi pala. Isa na namang phase. Minsan ganito ako, minsan ganyan. Pero lahat short-term. Wala talaga yung identity na hinanap ko. Wala talaga yung ako…yung tunay na ako.

Sino nga ba talaga ako? Natanong mo na rin kaya yan sa iyong sarili? Hindi ko alam. Hindi ko alam kung nag-iisa lang ako sa mundong ito na nawawala ang tunay na pagkatao. Hindi ko alam kung ako lang ba ito, o marami ring tulad ko na ligaw pa rin at nawawala. Hindi ko alam kung normal lang ba ito sa isang kabataan, o ako lang ‘to.

Marami pa ring tanong na lulumutang sa aking isipan. Niisa, walang kasagutan. Hindi ko alam.

Marami pa nga sigurong bagay ang hindi ko pa na nalalaman, marami pa, marami pa. Marami pa akong mararanasan, ilang beses pang madadapa’t babangon. Maraming taon pa ang lilipas bago ko mahanap ang aking sarili. Isang buhay muna ang kailangang maisabuhay, magampanan, lumipas at magdaan, bago ko pa masabing, ako na ito, ang tunay na ako.